Kumikilos ang Barako: Matapos sibakin si Toroman

MANILA, Philippines - Isang araw matapos sibakin si Rajko Toroman bilang ‘active consultant’ ay nakipag-trade naman ang Barako Bull sa Barangay Ginebra tatlong araw bago ang 2013 PBA Rookie Draft sa Linggo.

Dinala ng Energy si playmaker Eman Monfort sa Gin Kings bilang kapalit ni reserve guard Rob Labagala.

Kinumpirma ito ng PBA Commissioner’s Office sa pagtatapos ng three-day planning session ng PBA Board sa Sydney, Australia.

“The proposed trade between Ginebra’s Rob Labagala and Barako Bull’s Eman Monfort has been approved by the PBA,”  wika ni PBA Commissioner Chito Salud sa kanyang official statement.

Hinggil sa 2013 PBA Rookie Draft kung saan hawak ng Barako Bull ang No. 4, 5 at 6 overall picks, sinasabing ibibigay ng Energy sa Gin Kings ang kanilang No. 4 pick kapalit ni Dylan Ababou.

Handa ring ipamigay ng Barako Bull ang kanilang fifth pick para sa isang player ng Petron Blaze.

Ang 5-foot-7 guard na si Monfort, naglaro para sa Ateneo Blue Eagles, ay umagaw ng pansin sa nakaraang 2013 PBA Governors’ Cup matapos magtala ng mga averages na 10.75 points, 2.6 rebounds at 4.6 assists para sa Energy.

Ipinoste ito ni Monfort sa kanyang walong laro sa nasabing season-ending conference matapos magkaroon ng isang broken wrist injury.

Nagwakas ang kanyang season nang mabalian ng daliri sa 77-81 kabiguan sa nagkampeong San Mig Coffee noong Setyembre 14.        

Show comments