MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng kabayong Skyway ang pagi-ging liyamado nang kunin ang 4th leg ng Juvenile Fillies Stakes Race kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Kampeon ng PCSO race noong Setyembre, naipakita pa rin ng kabayo ang bangis ng pagtakbo sa pagdadala ni Mark Alvarez para makamit ang pinakamalaking panalo sa taon.
Sa 1,500-metro ang distansya ng karera at naorasan ang Skyway ng 1:35 sarado sa kuwartos na 17', 25 25, 27' para maibigay sa owner na si Joseph Dyhengco ang P900,000.00 mula sa P1.5 na itinaya ng Philippine Racing Commission.
Sa tindi ng ayre ng kabayo ay walang nakasabay dito para sa banderang-tapos.
Ang second choice at kampeon ng third leg na Up And Away na sakay pa rin ni Dominador Borbe Jr. ay naging palaban na lamang sa segundo puwesto.
Pero kinapos ang tambalan at naungusan pa ng The Lady Wins na hawak ni Pat Dilema.
Halagang P337,500.00 ang napanalunan ng The Lady Wins na tumakbo kasama ang coupled entry na Australian Lady habang P187,000.00 ang napunta sa Up And Away.
Kinumpleto ng Winter's Tale na hawak ni JA Guce ang datingan para sa P75,000.00 premyo.
Ang kumbinsidong panalo ng Skyway ang maglalagay sa kabayo na palaban sa pinakamahusay na 2-year old filly.
Ang Kukurukuku Paloma na dinomina ang second leg yugto ng karera ay pinagpahinga sa labanan.
Ang win ay nagkahalaga ng P5.50 habang ang forecast na 3-4 ay may P30.00 dibidendo.