Buhay pa ang tsansa ng Arellano Chiefs

MANILA, Philippines - Muling binitbit ni Prince Caperal ang Arellano nang pamunuan ang 76-70 panalo sa St. Benilde para patuloy na manatiling buhay ang paghahabol sa huling upuan sa Final Four ng 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Tumapos ang 6’5” center taglay ang 25 puntos at 8 rebounds at siya ay mayroong tatlong mahahalagang free throws sa huling tatlong minuto ng labanan para iangat ang Chiefs sa 7-9 karta.

Sumuporta kay Caperal sina John Pinto, Levi Hernandez at Keith Agovida sa kinamadang 13, 12 at 12 puntos at ang Chiefs na nasa ikaanim na puwesto ay patuloy na nakikibaka para malusutan ang elimination round.

Kailangan pa ng Chiefs na talunin ang Jose Rizal University at San Beda bago manalangin na hindi makukuha ng Emilio Aguinaldo College at San Sebastian ang sampung panalo para magkaroon ng playoff.

Sina Paolo Taha, Jonathan Grey at Romero ang nagdala ng laban sa host team sa 20, 13 at 12 puntos pero hindi sapat ang kanilang ginawa para pigilan ang paglagapak sa ika-11 pagkatalo matapos ang 16 laro.

Samantala, dinurog ng CSB-LSGH ang Arellano Braves, 71-50, para dumikit sa kalahating laro sa pumapangalawang San Sebastian Staglets sa 13-4 baraha.

Mahalaga ang makukuhang ikalawang puwesto lalo na kung makukumpleto ng nagdedepensang San Beda Red Cubs ang pamamayagpag sa liga na ngayon ay may 16-0 baraha.

Tinalo ng Mapua Red Robins ang Lyceum Junior Pirates, 83-45, para manatiling matibay ang paghawak sa ikaapat na puwesto sa 11-6 baraha.

Samantala, sa Lunes ipagpapatuloy ang naudlot na laban sa pagitan ng Lyceum at St. Benilde noong Oktubre 10.

Dahil sa tulo sa bubong ng venue bunga ng malakas na pag-ulan, napilitan ang pamunuan ng liga na ihinto ang laban sa 8:09 ng ikatlong yugto at ang Pirates ay angat ng isa, 32-31.

 

Show comments