MANILA, Philippines - Matapos matalo sa unang laban ng best-of-three series kontra sa Cagayan Province, umaasa ang Smart-Maynilad na makakalaro pa rin si Din-Din Santiago ng National U sa muling pagharap ng Net Spikers sa Rising Suns sa Game Two ng Shakey’s V-League Open Conference finals sa The Arena sa Linggo.
“Honestly, I’m not really sure because I’ve heard NU is leaving on Monday for the University Games in Bacolod City,†ani Smart-Maynilad coach Roger Gorayeb kahapon.
Pinayagan ng NU management ang kanilang premyadong player na palakasin ang front line rotation ng Smart-Maynilad sa kasalukuyang Shakey’s V-League finals.
Ngunit paalis ang Lady Bulldogs sa Lunes para lumahok sa UniGames kaya puwedeng payagan o hindi ng eskuwelahan na lumaro si Santiago sa Linggo.
Bagama’t nakapag-laro si Santiago sa panalo ng koponan kontra sa Army sa sudden death sa kanilang Final Four duel, nabigo siyang gawin ito kontra sa Cagayan sa kanilang title series opener noong Martes.
Sinabi ni Gorayeb na kung papayagan ang 6’2 na si Santiago, nagsulong sa NU sa championship sa Shakey’s V-League First Conference noong May kung saan itinanghal siyang MVP, na lumaro sa Game Two, sigurado siyang hindi na nila ito makakasama kung maipupuwersa nila ang sudden death game sa Oct. 27.
“If Dindin will be allowed to play in Game Two, we’ll be happy because I know she will not make it in Game Three, in case we manage to make it that far,†sabi ni Gorayeb.
Samantala, ang Game One ng Finals ay ipapalabas ngayong ala-una ng hapon sa GMA News TV Channel 11, ayon sa nag-organisang Sports Vision.