TAIPEI, Taiwan -- Isa itong magandang pagbabalik para kay Houston Rockets point guard Jeremy Lin sa Taiwan.
Umiskor si Lin, ang mga magulang ay nagmula sa Taiwan at nagpunta sa United States noong 1970s, ng 17 points mula sa kanyang 3-for-4 shooting sa 3-point line para igiya ang Rockets sa 107-98 panalo kontra sa Indiana Pacers sa isang exhibition game sa harap ng 13,686 manonood.
Pinangunahan ni James Harden ang Rockets mula sa kanyang 21 markers kasama ang tatlong 3-pointers.
Umiskor naman si Paul George ng 19 points sa panig ng Pacers kasunod ang 17 ni George Hill na ayon kay coach Frank Vogel ay nagkaroon ng ‘mild ankle sprain’ sa third quarter.
Ipinakita ni Lin sa harap ng kanyang mga kababa-yan ang matindi niyang mga clutch shooting at pin-point passing.
Pinuri naman siya ni Rockets coach Kevin McHale.
“He puts so much pressure on himself,’’ wika ni McHale kay Lin. “There’s an entire half of the world that seems to be pulling for him.’’
Matapos ang first quarter, lumamang ang Houston ng 15 points sa halftime hanggang makalapit ang Indiana sa two-point deficit bago kumulapso sa final quarter.
Nagtala si Houston newcomer Omri Casspi ng 13 points at 9 rebounds.
“Omri is doing a really good job for us,’’ ani McHale. “He’s playing at a really high level.’’
Sa New York, matapos talunin ang Boston Celtics sa kanilang preseason opener, yumukod naman ang New York Knicks sa Toronto Raptors, 100-91.
Sa kabiguan ng Knicks, naghari sa Atlantic Division noong nakaraang season, humakot si franchise player Carmelo Anthony ng 24 points, 8 rebounds at 3 assists sa loob ng 20 minuto.
Nakatuwang ni Anthony sina Iman Shumpert, Andrea Bargnani at MettaWorld Peace sa pagkatalo ng New York sa Toronto sa kanilang ikalawang laro sa pre-season.
Pinuwersa ng Knicks ang Raptors sa 23 turnovers at nakakuha ng 12 steals bukod pa sa pagtatala ng 19 assists.
Ang Raptors ay binanderahan nina Rudy Gay, DeMar DeRozan at dating Indiana na si Tyler Hansbrough.
Sa post-game interview, sinabi ni Knicks Coach Mike Woodson na maganda ang inilaro ng kanyang first unit, habang malamya naman ang ipinakita ng kanyang bench. Sa likod ng kanilang mga second stringers, isang 9-0 atake ang ginawa ng Raptors.