Rockets nagpasalamat sa Pinoy fans

MANILA, Philippines - Pinasalamatan ng Houston Rockets ang mga Filipino basketball fans na nanood ng pre-season game kontra sa Indiana Pacers na kanilang naipanalo, 116-96, noong Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Idinaan ito ng mga players ng Rockets sa pamamagitan ng kanilang mga Twitter account bago magtungo sa Taiwan kung saan muli nilang makakasagupa ang Pacers bukas sa Taipei Arena.

“Thank you Philippines for having us! We had an amazing time. It was an honor to play in front of you all,” wika ni Harden sa kanyang Twitter account na JHarden13 ukol sa kabuuang 12,885 fans na nanood sa kanilang pre-season game.

Ito ang pangatlong pagkakataon na bumisita ang 6-foot-5 na si Harden.

Natikman naman ni Asian sensation Jeremy Lin ang ulam na binukadkad na plapla na hindi niya malilimutan sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa bansa.

“Loved the filipino fans and binukadkad na plapla! HUGE thanks to the crazy fans at the airport at 4am!,” sabi ng 6’3 na si Lin sa kanyang @JLin7 Twitter account.

Bukod sa kanyang pakikipag-date kay actress KC Concepcion noong Martes ng gabi ay ikinasiya rin ni 6’9 forward Chandler Parsons ang pagtanggap sa kanila ng mga Filipino fans.

“Thank you Philippines! Was amazing playing in front of you. Had a great time! Off to Taiwan!!,” wika ng 24-anyos na si Parsons, ang ikalawang NBA player na tumanggap ng pinakama-lakas na palakpak matapos si Paul George ng Pacers sa pagpapakilala sa kanila ng venue announcer bago ang laro, sa kanyang Twitter account na @ChandlerParsons.

Show comments