Cafe Rodolfo nakalusot sa 3YO & Above Maiden

MANILA, Philippines - Naipagpag ng kabayong Café Rodolfo ang hamon ng iba pang paboritong kabayo para dominahin ang 3YO & Above Maiden Division noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.

Mula sa pagbubukas ng aparato ay angat na ang Café Rodolfo pero sa huling kurbada ay dumikit ang The Legend at Royal Choice na pinaboran din tulad ng kabayong sakay ni Jessie Guce na siyang patok sa 1,300-metro distansya.

May tatlong dipa ang panalo ng Café Rodolfo na galing sa pangalawang puwestong pagtatapos sa hu-ling karera. Ang The Legend na hawak ni GM Mejico ang pumangalawa bago sumunod ang Royal Choice ni LF de Jesus.

Balik-taya na P5.00 ang dibidendo sa win habang nasa P16.00 ang inabot sa 2-7 forecast.

Nagpasikat din ang kabayong C Bisquick na lumawig pa ang pagpapanalo sa limang sunod sa huling apat na buwan.

Hindi ininda ng kabayong sakay ni class B jockey RV Leona ang pagkakapatong ng 57-kilos handicap weight matapos pangunahan ang Special Handicap Race sa 1,300-metro karera sa pamamagitan ng banderang-tapos na diskarte.

Habang solong binaybay ng C Bisquick ang una-han, ang aksyon ay nauwi sa pangalawang puwesto na mainitang pinaglabanan ng Sun Tan Tony, Bedroom Blues at Unnerved na tumakbo kasama ang coupled entry na Global Warrior.

Masuwerteng may lakas pa ang Sun Tan Tony na pinatnubayan ni JL Paano para maunang mailusot ang ulo sa Bedroom Blues na hawak ni NK Calingasan bago pumang-apat ang Unnerved.

Ang unang dalawang kabayo na tumawid sa meta ay one-two favorites para makapaghatid ng P9.50 sa win habang P11.00 ang ibinigay sa 6-1 forecast.

Nakabuti naman sa Homerun Queen ang halos isang buwang pamamahinga nang bumalik ang tikas ng kabayo at nanalo sa class division 5 race.

Hindi na kinailangan ni CM Pilapil  na gamitan pa ng latigo ang Home Run Queen dahil kusa itong tumulin para manalo ng dalawang dipa sa Top Wise.

May P19.00 ang win ng Homerun Queen na pumangalawa sa huling takbo noong Agosto 21  ngunit ang di inaasahang pagpangalawa ng Top Wise ang nagpaganda sa ibinigay sa forecast na P330.00 sa 5-3 kombinasyon.

Show comments