San Mig 1-0 Nakauna sa Meralco

MANILA, Philippines - Sumandal ang San Mig Coffee sa kanilang mga local players sa final canto para talunin ang Meralco, 83-73, sa Game One ng kanilang semifinals series para sa 2013 PBA Governor’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nagtuwang sina Joe Devance, Mark Barroca at Marc Pingris sa fourth quarter para ibigay sa Mixers ang 1-0 abante sa kanilang best-of-five semifinals showdown ng Bolts.

Mula sa 10-point lead, 50-40 ng Meralco sa ilalim ng anim na minuto sa third period ay bumalik ang San Mig Coffee sa likod nina import Marqus Blakely, Alex Mallari at Barroca para ilunsad ang isang 20-5 bomba na nagbigay sa kanila ng 60-55 abante, 10:37 minuto sa fourth quarter.

Huling lumamang ang Bolts sa 61-60 buhat sa jumper ni Mike Cortez may 8:34 minuto pa sa laro kasunod ang ratsada nina Barroca, Devance at Pingris upang iposte ang 10-point advantage, 79-69 sa huling 2:07 minuto  ng labanan.

Samantala, magiging dehado ang nagdedepensang Rain or Shine sa pagsagupa sa Petron Blaze sa kanilang best-of-five semifinals duel na magsisimula ngayong alas-7:15 ng gabi sa Big Dome.

Ito ay dahil tatlong linggo ang ipapahinga ni scoring guard Paul Lee matapos magkaroon ng torn calf muscle sa kanang binti sa 108-106 panalo ng Elasto Painters kontra sa Globalport Batang Pier sa quarterfinals.

“Underdog na kami. Lalo pa kaming nabaon sa pagkawala ni Paul. He can score kasi, he can create situations for his teammates,” ani coach Yeng Guiao.

Ang Boosters, kasalukuyang nasa isang nine-game winning streak matapos mabigo sa kanilang unang laro sa single round eliminations, at ang Elasto Painters ang tumayong No. 1 at No. 4 team, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.

Sinibak ng Petron ang No. 8 Barangay Ginebra, 101-94, sa quarterfinals.

“Our modest goal was to make the semis. Now that we’re here, we now aim for a higher goal,” sabi ni Boosters’ coach Gee Abanilla.

Pinadapa ng Petron ang Rain or Shine, 99-84, sa eliminations noong Agosto 23.

Show comments