Bolts sa semis
MANILA, Philippines - Hindi na hinayaan ng Bolts na malagay sa ala-nganin ang kanilang pagpasok sa semifinal round.
Nagtala ng isang 20-point lead sa third period, pinayukod ng No. 3 Meralco ang No. 6 Barako Bull, 86-68, sa quarterfinal round ng 2013 PBA Governor’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na semifinals appearance ng Bolts sa PBA Governor’s Cup matapos noong nakaraang taon.
“It was really our defense. It made our game a lot easier. Our defense held up tremendously tonight,†sabi ni head coach Ryan Gregorio sa kanyang Meralco na sasagupa sa mananalo sa pagitan ng No. 2 San Mig Coffee at No. 7 Alaska sa best-of-five semifinals series.
Ang naturang depensa ang naglimita kay Energy import Michael Singletary, nagtala ng league-best na 36.0 points per game sa torneo, sa 9 markers sa kabuuan ng laro.
Kinuha ng Meralco ang isang 20-point advantage, 50-30, sa third period mula sa basket ni import Mario West hanggang makadikit ang Barako Bull sa 62-71 agwat galing sa split ni Ronjay Buenafe sa 7:58 ng fourth quarter.
Isang 13-4 bomba ang inihulog nina West, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan para muling ilayo ang Bolts sa Energy, 84-66, sa huling 1:34 ng labanan.
Tumapos si West na may 25 points, habang humakot si Hugnatan ng 18 markers, 12 rebounds, 4 assists at 2 shotblocks para sa Meralco.
Pinangunahan naman ni Buenafe ang Barako Bull mula sa kanyang 23 markers kasunod ang 10 ni rookie Keith Jensen at tig-9 nina Singletary at Danny Seigle.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban ang San Mig Coffee at ang Alaska kung saan tangka rin ng Mixers na diretsong makapasok sa semis.
Tulad ng Meralco, may twice-to-beat advantage din ang San Mig gayundin ang Petron at Rain Or Shine kung saan isang panalo lang ang kanilang kailangan patungo sa susunod na round.
Meralco 86 - West 25, Hugnatan 18, Cardona 12, Hodge 10, Wilson 8, Cortez 6, Salvacion 3, Ross 2, Dillinger 2, Sena 0, Timberlake 0, Reyes 0.
Barako Bull 68 - Buenafe 23, Jensen 10, Singletary 9, Seigle 9, Weinstein 5, Marcelo 2, Intal 2, Macapagal 2, Cruz 2, Villanueva 2, Pennisi 2, Peña 0.
Quarterscores: 21-15; 44-27; 67-53; 86-68.
- Latest