Ubos silang lahat sa May Bukas Pa
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng kabayong May Bukas Pa na dala ni Pat Dilema ang pagiging paborito nang dominahin ang class division 1 race na pinaglabanan noong Martes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Mabagal ang panimula ng tambalan at nalagay sa pang-apat na puwesto sa alisan ngunit nang nakuha ang ayre ay hindi na napigil at mula sa labas ay kumaripas ng takbo tungo sa dominanteng panalo sa 1,200-metro distansya.
Naorasan ang tambalan ng 1:10 sa kuwartos na 23’, 22, 24’ at tinalo ng May Bukas Pa ang Sha Na Na ni FN Ortiz.
Unang lumayo ang Hello Hello bago sinundan ng Sha Na Na at Doctor Choice ngunit naubos ang mga ito nang tumulin na ang May Bukas Pa na pinatawan ng 56 kilos handicap weight.
Sa huling kurbada ay kinuha na ng May Bukas Pa ang liderato sa Hello Hello at kahit humabol ang Sha Na Na ay may reserba pang lakas ang nangungunang kabayo para sa mahigit dalawang dipang panalo.
Balik-taya ang nakamit ng mga kareristang nanalig sa husay ng May Bukas Pa pero nasa P31.50 ang ibi-nigay sa 5-3 forecast.
Mahusay naman ang pagkakagamit ni apprentice rider AB Serios ng latigo nang napalabas ang bilis ng Luck And Fame sa anim na kabayong karera na 3-YO Maiden sa 1,200-metro distansya.
Ang Wild Event na sakay ni RF Torres ang umalagwa sa rekta at halos apat na dipa ang inilayo sa Luck And Fame pero inabot pa rin ito at nalama-ngan pa ng isang dipa sa meta dahil sa malakas na pagremate ng katunggali.
Binawi ng tambalan ang pangalawang puwestong pagtatapos sa pistang ginawa noong Setyembre 29 at ang mga kapanalig ay nagkamit ng P40.00 dibidendo. Ang 2-5 forecast naman ay nagbigay ng P97.00.
- Latest