Ipinalit si import Courtney Fells kay Tony Mitchell, Texters desperado na para sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Kailangang walisin ng Tropang Texters ang ka­nilang huling dalawang la­ro sa layuning mapala­kas ang kanilang tsansa sa isang tiket sa quarterfinal round ng 2013 PBA Go­vernor’s Cup.

Hinugot ng Talk ‘N Text si Courtney Fells bi­­lang kapalit ni Tony Mit­­chell, ginamit din nila sa nakaraang 2013 PBA Com­­missioner’s Cup na pi­nagharian ng Alaska.

Sa paghugot sa 27-anyos na si Fells ay uma­asa si head coach Nor­man Black na magba­bago ang kanilang kapa­laran.

“We hope to get a lift from him especially on the defensive end of the floor,” sabi ni Black. “It’s pretty much do or die for us. It’s a tough task but we will give all our energy to get a win.”

Ibabandera ng Tropang Texters si Fells sa pag­harap sa nagdedepen­sang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Aces at Ba­rako Bull Energy sa alas-5:15 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Sa ilalim ni Mitchell ay nahulog ang Talk ‘N Text sa isang three-game lo­sing slump.

Nanggaling ang Tropang Texters sa 102-106 pag­­yukod sa Air21 Express.

Napanood si Fells pa­ra sa Boston Celtics sa na­­­karaang NBA Summer League kung saan nag­­tala siya ng mga ave­rages na 7.2 points, 1.8 re­bounds at 1.6 steals.

Nagmula rin sa kabi­gu­an ang Rain or Shine makaraang takasan ng Ba­rangay Ginebra, 100-101, noong Sabado.

Tatlong free throws ang isinalpak ni Mac Ba­racael sa natitirang 0.3 se­gundo mula sa foul sa kan­ya ni Beau Belga sa three-point line na nagpanalo sa Gin Kings.

Asam ng Elasto Pain­ters na mapalakas ang ka­nilang tsansa para sa No. 4 seat sa Top Four.

Magkakaroon ng ‘twice-to--beat’ advantage ang mga koponan sa Top Four sa quarterfinals laban sa mga nasa lower brac­ket.

Sa unang laro, magpi­pilit na makabawi ang Ba­rako Bull at ang Alaska sa kanilang mga two-game losing skid.

Natalo ang Energy sa San Mig Coffee Mixers,  77-81, habang nabigo naman ang Aces sa Boos­ters, 100-103.

Show comments