MANILA, Philippines - Hindi malayong kilalanin ang Kukurukuku Paloma bilang pinakamahusay na juvenile horse ng taon.
Ito ay matapos hiyain ng dalawang taong filly ang mga bigating two-year old colts na Matang Tubig at Young Turk sa isinagawang 2YO Special Handicap Race noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Val Dilema pa rin ang hinete ng kabayong pag-aari ni Atty. Narciso Morales na inilabas ang bangis sa rematehan para isantabi ang naunang bumanderang Matang Tubig at ang malakas ding pagdating ng Young Turk.
Ang Kukurukuku Paloma na may lahing Quaker Ridge sa Pacific Dam ang second leg Juvenile Fillies Stakes race champion habang ang Matang Tubig na hawak ni Jonathan Hernandez at Young Turk na di-nidiskartehan ni Pat Dilema ang naghari sa naunang dalawang Juvenile Colts races.
Ito rin ang ikaapat na sunod na panalo ng kabayo, dalawa sa buwan ng Setyembre at magandang senyales ito sa inaasahang pagtakbo ng Kukurukuku Paloma sa third leg ng Juvenile Fillies sa Setyembre 29 sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Second choice lamang ang nanalong kabayo kaya’t napamahagian pa ang mga nanalig sa husay ng Kukurukuku Paloma ng P11.00 habang ang 1-2 forecast ay nagpasok pa ng P28.00 dibidendo.
Nakapagpasikat din ang Dark Beauty sa pagdadala ni class C jockey MD de Jesus nang lumabas ang kabayo bilang pinakadehadong nanalo sa araw na ito.
Unang takbo ito ng kabayo sa nasabing buwan at nakabawi ang Dark Beauty sa pagkatalo sa Nefertiti noong Agosto 30 sa nasabing race track.
Hindi umubra ang hamong hatid ng Coal Harbour para mapasaya ang dehadistang natahimik dahil sa pagdodomina ng mga mas napaborang mga kabayo.
Umabot sa P52.00 ang ibinigay sa win habang nasa P198.00 ang forecast na 4-2.