Mayweather aagawan ng korona si Alvarez

LAS VEGAS -- Sa kanilang weigh in pa lamang ay gusto nang dominahin ni Floyd Mayweather Jr. si Ca­nelo ‘Saul’ Alvarez.

Matapos ang kanilang weigh in ay tinangka ni May­weather na ipahawak kay Alvarez ang espesyal na solidong gintong World Boxing Council belt na ibi­bigay sa mananalo.

Hinawakan ni Mayweather ang kanang kamay ni Al­varez na abala naman sa pagpapakita ng kanyang mga muscle.

Lumayo si Alvarez at sa halip ay tiningnan ang weigh-in record na 12,200 fans.

Tinapik ni Mayweather ang likod ni Alvarez sa ha­ngaring maipahawak sa Mexican champion ang natu­rang gold WBC belt.

Ngunit hindi pa rin siya pinansin nito na ikinagalit na ng American ‘pound-for-pound’ champion.

“I was born ready. I’m not going to let that guy tell me what to do,” sabi ng 23-anyos na si Alvarez sa 36-anyos na si May­­weather.

Itataya ni Alvarez (42-0-1, 30 knockouts) ang kanyang suot na WBC junior middleweight belt kontra kay Mayweather ngayon sa MGM Grand.

Magbubulsa si Mayweather ng record guarantee purse na $41.5 milyon na maaaring lumobo pa sa $70 hanggang $80 milyon matapos ang laban.

Show comments