San Sebastian wagi sa Emilio Aguinaldo

MANILA, Philippines - Gumana ang running game ng San Sebastian para maigupo ang mas malalaking Emilio Aguinaldo College, 90-69, sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Nagsilbing mitsa sa transition game ng Stags ang mga guards na sina Jamil Ortuoste at Jovit dela Cruz para masaluhan sa mahalagang ikaapat na puwesto ang pahingang Jose Rizal University sa pantay na 5-5 baraha.

Ang beteranong si Dela Cruz ay mayroong double-double na 25 puntos at 11 rebounds bukod sa 5 assists habang ang rookie na si Ortuoste ay may 27. Ang isa pang guard na si Leo de Vera ay may 11 puntos habang ang back-up center na si Ranimark Tano ang nagtrangko sa depensa sa kanyang 6 blocks upang isama sa 6 puntos at 6 boards at ang Stags ay nanalo matapos lumasap ng tatlong sunod na kabiguan.

May 16 puntos at 11 rebound si 6’7” center Happi para sa Generals na natalo sa ikalawang sunod sa Baste para magtapos ang three-game winning run at bumaba sa 4-6 baraha.

Samantala, kinuha ng SSC Staglets ang ika-siyam na panalo matapos ang 10 laro sa 83-50 demolisyon sa EAC-ICA Brigadiers na bumaba pa sa 1-9 baraha.

May 55-42 panalo ang Letran Squires sa Lyceum Junior Pirates para umangat sa 5-6 baraha at ipalasap sa huli ang ika-11 sunod na pagkatalo.

 

Show comments