Face To Face nanalong paborito

MANILA, Philippines - Nagtala ng unang panalo sa buwan ng Setyembre ang Face To Face para pangatawanan ang pagiging paborito sa mga tumakbo na nangyari noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Pinawi ni jockey Rick Hipolito ang pagkakalapag sa ikalawang puwesto ng sakay na kabayo noong Agosto 23 nang dominahin ang labanan sa hanay ng anim na kabayo sa class division 1-B sa 1,100-metro distansya.

Hindi umabot ang Dynamic Love na ginabayan uli ni John Cordero na napantayan ang pangalawang puwestong naibigay ni Cordero noong Agosto 17.

Balik-taya ang nangyari sa win sa ibinigay na P5.00 dibidendo habang ang 4-3 forecast ay naghatid ng P14.00 dibidendo.

Si Mark Alvarez naman ang hineteng nagpasiklab sa unang araw ng karera sa buwan ng Setyembre na ginawa sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) matapos maihatid ang kabayong Ubolt sa di inaasahang panalo.

Sa 1,200-metro distansya ginawa ang labanan sa hanay ng mga 3-year old horses na tumakbo sa isang handicap race at lumutang ang husay ng Ubolt matapos manalo sa di rin gaanong napaboran na Mistah sa pagdadala ni Antonio Alcasid Jr.

Ang Nurture Nature  na pumang-anim sa Lakambini Stakes race ay nalagay lamang sa ikatlong puwesto sa pagdadala ni CP Henson.

Tumipak ang mga dehadista na nanalig sa Ubolt sa ibinigay na P116.00 dibidendo sa win habang ang 5-1 forecast ay mayroon pang mas magandang P434.00 na ibinigay.

Magandang pagbabalik din ang nakuha ng Siopaokinghaha nang manalo ito sa isang 3YO Handicap 2 race sa 1,200-metro distansya.

 

Show comments