CEU, St. Clare patuloy sa pananalasa
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang Centro Escolar University at St. Clare College of Caloocan sa kanilang pananalasa sa pagbabalik aksyon ng 13th NAASCU men’s basketball noong Biyernes sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) gym sa Sta. Mesa, Manila.
Humakot ang 6’5 na si Rodrigue Ebondo na isang exchange student mula sa Democratic Republic of the Congo ng 17 puntos galing sa bench habang si Alfred Ryan Batino ay naghatid ng 13 para sa Scorpions na gumamit ng 11-0 start upang angkinin ang 64-54 panalo laban sa New Era University.
Ang panalo ay ikaapat na sunod ng Scorpions para manatiling nagsosolo sa liderato.
Okupado pa rin ng Saints ang ikalawang puwesto matapos ang 90-68 paggapi sa host Our Lady of Fatima University.
Sina Dennis Santos, Jayson Ibay at Bong Managuelod ang nagtulong sa 14-2 run sa ikatlong yugto para iwan ang OLFU sa 31-29 sa halftime.
Si Santos ay tumapos bitbit ang 21 puntos at 11 rito ay kanyang ibinuhos sa ikatlong yugto habang tig-16 ang inangkin nina Ibay at Managuelod at ang St. Clare ay may tatlong sunod na panalo na matapos matalo sa CEU sa unang asignatura.
Tinuhog ng Rizal Technological University ang City University of Pasay, 57-40, sa isa pang seniors game. Nanalo naman ang nagdedepensang women’s champion CEU sa Our Lady of Fatima, 97-56, at RTU sa St. Clare, 85-60, habang sa juniors division, ang CEU ay nanaig sa OLOF, 66-53 at ang St. Clare sa New Era, 75-48.
- Latest