Arellano wagi sa Jose Rizal

MANILA, Philippines - Tinapos ng Arellano ang apat na sunod na pagkatalo nang kunin ang 67-64 panalo sa Jose Rizal University sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nanalo ang Chiefs kahit napag-iwanan ng pitong puntos sa kalagitnaan ng ikaapat na yugto upang magkaroon ng momentum papasok sa second round sa kinuhang ikatlong panalo matapos ang siyam na laro.

Hindi nagamit ng tropa ni coach Koy Banal si James Forrester na sinuspindi ni league commissioner Joe Lipa ng dalawang laro matapos ang gulong kinasangkutan sa laro laban kay Sydney Onwubere ng Emilio Aguinaldo College.

Ngunit tila nakatulong pa ito para magsilbing dagdag inspirasyon ng Chiefs nang tapusin nila ang laro sa pamamagitan ng 17-7 palitan.

Si Prince Caperal ay mayroong 12 puntos, 8 rebounds at 4 blocks habang sina Keith Agovida at John Pinto ay naghati sa 24 puntos.

Ang dalawang free throws ni Agovida na naglaro sa Jose Rizal University sa high school, ang nagbigay ng tatlong puntos na kalamangan sa Arellano bago pinagmasdan na sumablay si Paolo Pontejos sa sana’y panablang tres upang lumabas na panalo sa laro.

May 18 puntos si Pontejos habang 13 ang ibinigay ni Philip Paniamogan para sa tropa ni coach Vergel Meneses na lumasap ng ikaapat na pagkatalo matapos ang siyam na laro.

 

Show comments