Tagumpay ang Life is Beautiful
MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ng Life Is Beautiful na manalo sa sinalihang karera noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sinakyan lamang ng kabayong dala ni Christopher Garganta ang naunang pamamayagpag ng Homerun Queen upang mahigitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong Hulyo 25 sa nasabing race track.
Inilabas pa ni Garganta ang Life Is Beautiful bago humataw sa rekta upang maisantabi ang naitalang da-lawang dipang layo ng Homerun Queen sa class division 6 race na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Patok ang limang taong filly na may lahing Southern Image at Olissipo sa anim na naglaban para makapaghatid ng P6.00 sa win habang P24.50 ang inabot sa forecast na 4-5.
Ito ang unang karera na naganap sa linggong ito matapos makansela ang dalawang programang inilatag sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas at sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite noong Lunes at Martes ng gabi dahil sa malawakang pagbaha dulot ng mala-lakas na ulan na hatid ng habagat.
Ang mga napaborang kabayo ang lumutang sa karerang ginawa sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. at kasama sa mga liyamadong kabayo na nanalo ay ang Best Guys sa class division 3.
Si apprentice jockey RC Tabor ang dumiskarte sa nasabing kabayo na pinatunayan na hindi pa ito nararapat na malagay sa mas mababang grupo matapos ang panalo sa 1,300-metro distansya.
Ang Señorita Alessi ang tinalo ng Best Guys na bumaba mula sa class division 4 noong nakaraang buwan matapos ang di pagtimbang sa mga sinalihang karera.
May P8.00 ang dibidendo sa win habang nadehado pa ang forecast na 5-6 sa ibinigay na P39.00 dibidendo.
- Latest