MANILA, Philippines - Ipapakita ng Philippine Army ang galing na taglay ng koponan sa pagharap sa FEU sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang 2011 champion na Philippine Army ay binubuo ng mga matitikas na manlaÂlaro tulad nina MJ Balse, Nene Bautista, Rachel Anne Daquis bukod pa sa magkapatid na sina Michelle at Marietta Carolino.
Unang laro ang nasabing tagisan sa ganap na ika-2 ng hapon at kailangang mahigitan ng Lady Tamaraws ang larong naipakita noong Linggo para makapasok sa win-column sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Lumasap ang FEU ng 25-16, 25-5, 25-19 pagkatalo sa kamay ng Smart-Maynilad para makasama ang Philippine National Police na natalo sa pagbubukas ng ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
Samantala, ang Meralco na nalusutan ang PNP sa limang mahigpitang sets, 25-17, 17-25, 21-25, 25-15, 15-9, ay magtatangka ng kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa Philippine Air Force sa huÂling laro na mapapanood matapos ang labanan ng Philippine Navy at Cagayan Province.
Sina Maureen Penetrante-Ouana, Ivy Remulla, Maica Morada, Stephanie Mercado at Fille Cainglet ang mga magtutulong-tulong uli para masolo ang liderato sa walong koponang liga.
Ibabandera naman ang Cagayan na pumangalawa noong nakaraang taon sa Sandugo, nina Aiza Maizo, Sandra delos Santos, Angeli Tabaquero at Joy Benito habang ang Lady Sailors ay sasandal sa husay nina Michelle Laborte, Janeth Serafica, Czarina Reyes at Abigail Praca.
Ang mga larong ito ay mapapanood sa GMA News TV Channel 11 sa ganap na ika-1 ng hapon at ang Army-FEU ay sa Miyerkules isasaere habang sa Huwebes at Biyernes ipalalabas ang Cagayan-Navy at Meralco-Air Force.