Julaton bigo kay Salazar

MANILA, Philippines - Kabiguan ang nalasap ni dating Filipino world female super bantamweight champion Ana ‘The Hurricane’ Julaton para sa kanyang unang laban ngayong taon.

Natalo si Julaton kay Celina Salazar via unanimous decision sa kanilang 10-round, super bantamweight title eliminator sa Plaza de Toros sa Cancun, Mexico.

Ginamit ng 24-anyos na si Salazar ang kanyang bilis para samantalahin ang kabagalan ng 33-anyos na si Julaton, ang dating World Boxing Organization at International Boxing Federation female super bantamweight queen.

Bago ang kabiguan kay Salazar ay dalawang sunod na panalo ang itinala ni Julaton, ang mga lahi ay mula sa Pozzorubio, Pangasinan, noong 2012.

Binigo ni Julaton sina Yolanda Segura at Abigail Ramos noong Mayo 4 at Agosto 3, 2012, ayon sa pagkakasunod.

Natalo si Julaton kay Yesica Patricia Marcos ng Mexico kung saan niya isinuko ang kanyang suot na WBO female super bantamweight title via unanimous decision noong Marso 16, 2012.

Ito ang ikaapat na kabiguan ni Julaton para sa kanyang 12-4-1 win-loss-draw ring record kasama ang 2 KOs. Pinaganda naman ng 24-anyos na si Salazar  ang kanyang kartada sa 5-1-2 (1 KO).

Dahil sa kanyang tagumpay kay Julaton ay maaaring hamunin ni Salazar si International Boxing Federation bantamweight queen Yazmin Rivas ng Mexico.

 

Show comments