MANILA, Philippines - Nakabuti sa kabayong Crucis ang pagkakaroon ng magaan na timbang upang dominahin ang Atty. Rodrigo L. Salud Race na nagsilbi rin bilang fourth leg ng 2013 Philracom Imported-Local Challenge Series noong Linggo sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Bigatin man ang mga kasabayan tulad ng imported horse sa Juggling Act at Gentle Irony ay nadaan din sa tiyaga ni jockey Jeff Zarate ang pagdiskarte sa Crucis upang maunang tumawid sa meta sa karerang pinaglabanan sa 1,800-metro distansya.
Naghabol ang Crucis sa naunang lumamang na Gentle Irony at noong nag-init na ay nilampasan ang nasa unahan bago hinarap ang hamon ng paparating na Juggling Act.
May natatago pang lakas ang limang taong kabayo na anak ng Southern Image sa Dixie Parade para kunin ang panalo.
May 1:47 winning time ang Crucis sa quarterclockings na 13-23-23-22’-25’, upang kunin ang ikalawang stakes win matapos manalo sa Dr. A.P. Reyes Stakes Race noong Abril.
“Pinigil ko ang kabayo dahil sa backstretch pa lamang ay mainit na. Kaya naman noong hiningian ko na ay may inilabas pa,†wika ni Zarate.
Halagang P300,000.00 mula sa P500,000.00 na itinaya ng Philracom ang nakuha ng kabayong pag-aari ni dating Philracom commissioner Marlon Cunanan sa kinubrang ikalimang panalo sa taon.
Ang napanalunang premyo ay nagpasok na rin sa Crucis sa P1 million mark sa kita ng mga kabayo.
Ininda ng Juggling Act ang pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos para makontento sa panga-lawang puwesto at P112,500.00 premyo habang ang Tritanic at ang coupled entry na Juggling Act na lahok ni Hermie Esguerra na Oh Oh Seven ang pumasok sa ikatlo at ikaapat na puwesto para sa P62,500.00 at P25,000.00 premyo.
Ang karerang ito ay inialay kay Atty. Salud na kilala sa kanyang pagmamalasakit sa industriya noong nanilbihan bilang executive director sa Philracom.
Si George Araneta na matalik na kaibigan ng nasirang Atty. Salud ang kumatawan sa pamilya ng pinarangalan sa awarding ceremony na dinaluhan din ng Philracom officials sa pangunguna ni chairman Angel Castano Jr. at Metro Turf Senior Vice President Rudy Prado.