Arrowhead 'di napigilan

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang ma­gandang takbo ng kaba­yong Arrow­head nang ma­nalo sa unang karera sa buwan ng Agosto sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Ginawa ang tagisan noong Biyernes ng gabi at pi­nangatawanan ng ka­bayong dala ni CP Henson ang pagiging paboritong kabayo sa 11 na naglaban sa Handicap 4-3 race sa 1,300-metro distansya.

Bago ito ay galing sa da­lawang dikit na panalo ang Arrowhead noong Hul­yo 6 at 18 sa race track na pag-aari ng Philippine Ra­cing Club Inc. (PRCI).

Inilagay muna ni Henson ang kabayo sa pang-apat na puwesto, habang nag­bakbakan sa unahan ang Final Judgement, Red Wine at Danzcotic.

Tumulin ang Arrowhead sa pagpasok sa kala­gitnaan ng karera upang sun­dan ang Final Judgement na hi­nawakan ni JB Cor­dova.

Sa rekta ay halos magkasabay na ang takbo ng da­lawang kabayo pero ang nasa balyang paboritong ka­bayo ang humarurot sa huling 100-metro tu­ngo sa dalawang dipang pa­nalo.

Nagpasok ang win ng P7.00, habang ang 9-1 forecast  ay nagbigay ng P24.50 dibidendo.

Ang pinakaliyamadong kabayo na nagwagi ay ang Hot Momma na hi­niya ang Lakewood sa Special race na inilagay sa 1,200-metro distansya.

Ikatlong sunod na pa­na­lo rin ito ng Hot Momma.

Nagbigay ang win ng P5.50, habang P33.50 ang sa 4-6 forecast.

Ang karera sa hapong ito ay lilipat sa Metro Turf Club.

 

Show comments