Fernando’s Entry wagi

MANILA, Philippines - Magarang pagtatapos sa pangangarera sa buwan ng Hulyo  ang ginawa ng kabayong Fernando’s Entry matapos pagharian ang 3YO CHG Handicap 1-A noong Martes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Limang kabayo ang naglaban sa 1,300-metro karera  at tinuhog ng kabayong sakay ni AM Basilio ang ikalawang sunod na panalo nang higitan ang ipinakita ng Strike at Sunrise na ginabayan ni Jessie Guce.

Outstanding favorite ang Fernando’s Entry sa mga naglaban at hindi naman napahiya ang handlers ng kabayo nang dominahin ang labanan.

Nakapagbigay pa ng P10.50 ang win ng Fernando’s Entry habang ang 2-4 forecast ay naghatid pa ng P27.00 dibidendo.

Lumabas din ang bangis ng kabayong Dynamic Love matapos pangunahan ang class division 1-B race na inilagay sa 1,200-metro distansya.

Si NK Calingasan ang hinete uli ng kabayo na bumaba mula sa dating tinatakbuhan na class division 1-A na kung saan sa unang tatlong takbo ng tambalan ay tumapos ito sa ikapito at dalawang pang-apat na puwestong pagtatapos.

Pangalawa sa datingan ang Damansuria ni RK Hipolito para maduplika ang puwestong naibigay sa kabayo ni Dominador Borbe Jr. noong Hulyo 24.

Umabot pa sa P14.00 ang dibidendo sa Dynamic Love habang P77.00 ang ibinigay sa 2-4 forecast.

Pinakadehadong kuminang sa unang gabi sa anim na araw na karera sa tatlong racing clubs ay ang Lasting Rose na ipinagabay kay RC Tabor matapos hawakan ng mga hineteng sina Dominador Borbe Jr. at  Reynaldo Niu Jr.

Napalabas ni Tabor ang itinatagong galing ng Lasting Rose para manaig sa class division 1 race.

Show comments