Pinauugong na ang nakatakdang paghaharap nina Manny Pacquiao at Brandon ’Bam Bam’ Rios.
Nagsimula na ang promotional tour noong isang araw sa China. Seven-city promotional tour ito. Pagkatapos sa China, susunod ang Singapore tapos pupunta pa sa U.S.
Kailangan ngayon ng malawakang pagpo-promote ng Top Rank ng promoter na si Bob Arum hindi tulad dati na madali lang ibenta ang mga laban ni Pacquiao.
Huwag na nating asahan na kikitain pa ni Pacquiao ang kinikita niya dati na umaabot ng bilyon kung susumahin ang lahat ng kita niya sa purse, gate receipts at pay-per-view. Aminin natin na bumaba ang market value ni Pacquiao dahil sa kanyang dalawang sunod na pagkatalo noong nakaraang taon. Lumasap siya ng kontrobersiyal na pagkatalo kay Timothy Bradley Jr. ngunit mas masakit ang sixth round knockout kay Juan Manuel Marquez.
Ang pagkatalong iyon ni Pacquiao kay Marquez ay matagal bago mabubura sa isipan ng mga tao.
Si Marquez ang itinuturing na arch nemesis ni Pacquiao, hirap na hirap siyang talunin ito. Laging kontrobersiyal ang resulta ng kanilang laban ngunit sa huli ay isang kumbinsidong panalo ang naitala ni Marquez. Bagsak na una ang mukha ni Pacquiao, ilang minutong hindi natinag sa pagkakasubsob. Tinamaan siya ng lucky punch.
Kailangang bumangon si Pacquiao. Kailangan niyang manalo sa laban kontra kay Rios upang makabalik sa kanyang dating trono. Kung hindi ay ito na ang maagang katapusan niya ng career. Sa 2014 pa ang sabi ni Pacquiao ng kanyang pagreretiro.
May mga umaasa pang magtutuloy pa ang kanilang laban ni Floyd Mayweather Jr. Nagsalita na rin si Mayweather na laos na si Pacquiao at kailangang patunayan ni Pacquiao na hindi ito totoo. Malay natin, baka dito sa Pinas ang huling laban ni Pacquiao.