Laban sa Cignal sa Finals ng Phl. Super Liga TMS-Army kinuha ang kampeonato

MANILA, Philippines - Bumangon ang TMS-Philippine Army mula sa kabiguan sa third set para talunin ang Cignal, 25-13, 25-18, 14-25, 25-16, at angkinin ang korona ng Philippine Super Liga women’s volleyball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hindi napigilan ng HD Spikers ang Lady Troo­pers, natalo lamang sa opening day, sa deci­ding set na nagtampok sa matulis na spike ni Mary Jean Bal­se  patungo sa kanilang tagumpay.

Ang nagpanalong smash ni Balse ay tumalbog sa mukha ni Mariel Legaspi.

Tumapos ang dating kamador ng University of Sto. Tomas na si Bal­­se na may 16 points, ang 11 ay mga kills, bukod pa sa 2 blocks at 3 service aces.

Nagpasikat naman si Jovelyn Gonzaga para sa TMS-Army mula sa kanyang 11 spikes para tumapos na may 12 points.

Bukod sa torneo at pagkilala bilang unang PSL champion, kinuha rin ng Lady Troopers ang prem­yong P150,000, habang tumanggap ang HD Spi­kers ng P100,000.

Nalimita si Most Valuable Player Venus Ber­nal ng Cignal sa 8 points.

Tinalo naman ng Petron ang Cagayan Valley, 25-18, 22-25, 26-24, 25-18, para sikwatin ang ikatlong puwesto.

May 20 puntos si Maika Ortiz kasama ang 15 kills para pangunahan ang apat na manlalaro ng La­dy Blaze Spikers na may doble-pigura.

“Happy ako dahil dikitan ang labanan pero ku­ma­pit sila,” wika ni Petron head coach Vilet Ponce de Leon.

Tumapos naman sa ika-limang puwesto ang PLDT-MyDSL nang pataubin ang PCSO Bingo Mil­yonaryo sa limang mahigpitang sets, 25-18, 26-24, 21-25, 21-25, 20-18.

Ang mga kakampi ni Bernal sa sa Cignal na si­na Ho­ney Joy Tubino, Jen Reyes at Ariane Argarin ang kinilalang Best Spiker, Best Receiver at Best Setter, ayon sa pagkakasunod.

Si TMS-Army player Tina Salak ang hinirang na Best Blocker, habang sina Sandra Delos Santos at Jheck Dio­nela ng Cagayan Valley ang naging Best Server at Best Libero at si Pau Soriano ng PLDT-MyDSL ang Best Scorer.

Show comments