MANILA, Philippines - Nagpahanap pa ang Philippine Sports Commission (PSC) ng mga coaches sa US na puwedeng tumulong sa pagsasanay ng mga local throwers para mapaganda ang tsansa na manalo sa SEA Games sa Myanmar sa Disyembre.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, nakausap na niya si Ryan Flaherty at ibinalita nito na may nakuha na siya na isa o dalawang US coaches na puwedeng sumama sa kanyang pagbabalik ng Pilipinas sa Agosto.
“Nagpapahanap tayo ng mga coaches sa throwing event para mas gumanda ang tsansa ng ating mga panlaban na manalo ng medalya. Sabi naman ni Ryan ay mayroon na siyang nakausap na isa o dalawang coach na gustong tulungan ang Pilipinas,†wika ni Garcia.
Idinagdag pa ni Garcia na wala na ring problema ang pagkuha kay Flaherty at kahit ang posibleng pagdating ng mga Fil-Am tracksters kay PATAFA president Go Teng Kok matapos magkausap sila kamakailan.
“Ipinaliwanag ko kay Mr. Go na walang mawawala sa mga local coaches niya. Ang security ng kanilang tenure bilang national coaches ay secured at si Ryan ay tutulong lamang,†paliwanag nito.
Si Flaherty ay bihasa sa middle distance events.
Naunang umalma si Go sa pagnanais ni Flaherty na pumasok bilang National coach dahil siya lamang bilang pangulo ng athletics ng bansa ang may karapatang magsabi kung pasado ba o hindi ang isang coach na nais na pumasok sa national team.
Nilinaw din ni Garcia ang usapin sa sahod ni Flaherty dahil hanggang $1,000 lamang ang ibibigay buwan-buwan ng Komisyon at hindi ang naunang binalita na $10,000.