MANILA, Philippines - Naipakita ni Marco Paulo Balagtas ang kanyang husay sa pagbuslo ng tres at ang Jose Rizal University ay kumubra ng 85-79 panalo sa Emilio Aguinaldo College sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ang tubong Malolos, Bulacan na si Balagtas ay gumawa ng apat na tres sa anim na pinakawalan tungo sa 14 puntos. Suportado naman siya nina Philip Paniamogan, Michael Mabulac at John Paolo Pontejos para ipatikim sa Heavy Bombers ang kauna-unahang back-to-back na panalo sa liga.
Dalawang tres ang ginawa ni Balagtas sa hu-ling yugto at sinabayan pa ng pag-iinit ni Paniamogan ay naikasa ng tropa ni coach Vergel Meneses ang pinakamalaking bentahe na 14 puntos, 83-69, sa huling 3:41 sa orasan.
May 23 puntos si Paniamogan, si Mabulac ay mayroong 16 puntos at 9 rebounds habang 12 ang ibinigay ni Pontejos para sa nanalong koponan.
“Maganda ang opensa pero depensa pa rin ang nagpanalo sa amin dahil napigilan namin ang mga shooters nila,†wika ni Meneses na umangat sa ikaapat na puwesto sa 3-2 baraha.
Tinutukoy niya ay ang pagkakalimita sa pinagsamang 14 marka nina Igee King at Jan Jamon para masayang ang 20 puntos at 15 rebounds ni Noube Happi sa pagbaba ng Generals sa 1-4 karta.
Ang buslo ni Jamon ang naglapit sa tropa ni coach Gerry Esplana sa 58-60, may 53 segundo sa ikatlong yugto pero gumawa ng triple si Balagtas para sa 63-59 bentahe papasok sa huling yugto.
Dalawa pang tres ang ginawa ni Balagtas, si Paniamogan ay may pitong sunod na puntos habang back-to-back ang ibinigay ni Mabulac para itala ang 14-puntos na bentahe. ng Jose Rizal.
Doble ang selebrasyon ng Jose Rizal dahil nanaig din ang Light Bombers sa EAC Brigadiers, 94-82, sa juniors division para sa 4-1 baraha.
Pinalawig naman ng San Beda Red Cubs sa 5-0 ang karta sa 83-61 demolisyon sa Mapua Red Robins sa isa pang laro.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pang naglalaban ang San Beda Red Lions at ang Mapua Cardinals sa ikalawang seniors game.