MANILA, Philippines - Tangka ng Cagayan Valley ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa PLDT-MyDSL sa pagpapatuloy ngayon ng Philippine Super Liga sa The Arena sa San Juan City.
May dalawang dikit na panalo ang Lady Rising Suns na haharap sa Speed Boosters sa unang laro sa triple-header sa ganap na ika-2 ng hapon.
Nakikitaan ng ibayong tikas ang tropa ni coach Nestor Pamilar matapos angkinin ang mga panalo sa TMS-Army at PCSO-Bingo Milyonaryo sa limang mahigpitang sets.
“Kami ang huling team na nakabuo kaya talagang hindi pa magkakakilala ang mga players. Ang maganda lang sa kanila, coachable sila at talagang nagtutulung-tulong para manalo,†wika ni Pamilar.
Kailangan na hindi magbago ang istilo ng Lady Rising Suns dahil ang Speed Boosters ay maghahangad na bumangon mula sa 22-25, 19-25, 25-17, 19-25, pagkatalo sa Petron noong Miyerkules.
Ang Petron at TMS-Army ang magbabanggaan sa ikalawang laro dakong alas-4 at ang mananalo ay aangat sa 2-1 karta habang ang huling laro dakong alas-6 ay sa pagitan ng PCSO-Bingo Milyonaryo at Cignal.
Ang tikas nina Nerissa Bautista, Joanne Bunag at Michelle Carolino ang huhugutan uli ng lakas ng Lady Troopers para kunin ang ikalawang sunod na panalo.
Ang ligang ito ay suportado ng Solar Sports, Mikasa at Asics at may ayuda pa ng PSC, San Juan Arena, Healthway Medical, LGR outfitter, Lenovo, Vibram Five Fingers at Pagcor.