NEW YORK -- Ang Knicks ang isa sa mga koponang umaasang masisikwat si Metta World Peace kung isasailalim siya ng Los Angeles Lakers sa amnesty at sasalang sa free-agent market, sabi ng isang league source sa Yahoo! Sports.
Ang mga koponang may maluwag na salary cap space ay maaaring tumi-ngin sa mga players na inilagay sa amnesty kung saan ang highest bidder ang makakakuha sa nasabing player.
Inaasahang idadaan ng Lakers sa amnesty si World Peace na maaaring tumanggap ng $7.7 milyon sa huling taon ng kanyang kontrata. Matapos ito ay sasailalim ang New York native sa amnesty waiver process ng NBA.
Kung walang kukuha kay World Peace ay maaari na siyang pumirma sa anumang koponan na gusto niya. Nais ng Knicks na makuha si World Peace gamit ang veteran’s minimum salary.
Maaari siyang maging small forward para sa Knicks, sabi ng source.
Ang paghugot ng Knicks kay World Peace ay hindi makakabawas sa kagustuhan nilang kunin si Dallas Mavericks free-agent forward Elton Brand, wika pa ng source.