MANILA, Philippines - Ayaw ilagay sa isipan ni UE mentor Boyzie Zamar na ang Red Warriors na ang isa sa mga paboritong koponan na manalo sa Season 76 sa UAAP men’s basketball.
Itinanghal na kampeon ng 2013 Fil-Oil Flying V Hanes Premiere Cup ang Warriors nang kanilang silatin ang nagdedepensang kampeon na National University, 81-68, noong Miyerkules sa The Arena sa San Juan City.
Ayon kay Zamar na kabilang sa huling UE team na nagkampeon sa UAAP noong 1985-86 season, ang titulo ay patunay lamang na nag-improve ang level ng kanyang koponan pero kung sapat na ito para umaabot sa level sa UAAP ay hindi pa niya batid.
“Ang nangyari ay nag-improve lang kami. Pero marami pang dapat gawin lalo na kung UAAP ang pag-uusapan,†ani Zamar.
Pumang-pito ang koponan sa walong kasali sa UAAP noong nakaraang taon at bagama’t hindi niya sinasabing title-contender ang Warriors, may kumpiyansa naman siyang mas pahihirapan nila ang mga makakalaban sa taong ito.
Ang nakuhang karanasan di lamang sa FilOil kungdi sa iba pang ligang sinalihan ay pinaniniwalaan ni Zamar na makakatulong para mas tumapang ang mga bata.
“Noon, kapag natatalo kami, tinatawanan lang nila. Pero sa mga huling laro namin, nakikita kong iniinda nila at nasasaktan sila kapag natatalo. Ang attitude na ito ang nakikita kong makakatulong sa amin,†dagdag ni Zamar.
Bukod pa ito sa katotohanang mas lumalim ang Warriors sa taong ito.
Si Roi Sumang na nanalo bilang MVP sa Fil-Oil ang patuloy na magiging kamador ng koponan habang ang iba pang beterano na babalik ay sina Jay-Ar Sumido Adrian Santos at Ralf Olivarez.
Tumibay ang center spot ng Warriors dahil sa pagpasok ng 6’7†na si Charles Mammie.