SMBeermen 2-0 na

MANILA, Philippines - Magandang pasa ni Leo Avenido para kay Brian Williams ang nagresulta sa 66-65 mahigpitang panalo laban sa Indonesia Warriors sa Game 2 ng kanilang best-of-five finals series sa ASEAN Basketball League (ABL) Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nakagawa ng diskarte si Beermen coach Leo Austria nang biglang tumawag ng timeout si Warriors coach Todd Purves sa huling 6.8 segundo sa orasan.

Ibinigay ni Stanley Pringle ang 65-64 kalamangan sa Warriors bago sinupalpal ni Christian Sitepu ang buslo ni Avenido sa sumunod na play upang  malagay sa alanganin ang Beermen na maipanalo ang laro dahil wala ng timeout si Austria.

“We don’t have a timeout but they gave us a timeout. Maybe they were afraid of our play and they organized their defense. Fortunately for us, we have plays for that kind of situation,” wika ni Austria.

Makahuling buslo pa si Pringle pero malakas ang binitiwang floater para magdiwang ang mga panatiko ng Beermen.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Beermen sa kanilang homecourt upang  mamuro sa pakay na maging kampeon sa ABL sa ikalawang taon.

May 17 puntos at 16 rebounds si Williams at ang pinakamahalagang play na ginawa ay noong bahagyang gamitin ang screen ni Asi Taulava para sa pag-ikot upang tanggapin ang inbound ay libre siya sa ilalim.

Show comments