Blackwater nakauna

FINALS (best-of-3)

NLEX vs Blackwater Game 1 - BLACKWATER, 70-67

Game 2 - June 11, 3 p.m.

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

Game 3 - June 13, 3 p.m.

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

 

MANILA, Philippines - Nakitaan ng tikas sa endgame ang Blackwater Sports para malusutan ang NLEX Road Warriors, 70-67, sa Game One ng PBA D-League Foundation Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Naipasok ni Kevin Ferrer ang go-ahead basket sa huling 14.4 segundo bago naagaw ni Narciso Llagas ang inbound ni Kirk Long na nagresulta sa dalawang free throws ni Allan Mangahas upang hawakan ng  Elite ang krusyal na 1-0 kalamangan sa best-of-three championship series.

“Naglaro kami ng may disiplina sa offense at defense. Basic basketball lamang ang ginawa namin at naniwala rin ang mga players na kaya nilang ta-lunin ang NLEX,” wika ni Elite coach Leo Isaac.

Tatangkain ng Elite na gumawa ng marka sa liga sa pag-asinta ng titulo sa Martes.

May 17 puntos si Justin Chua habang si Ma-ngahas ay nagbigay ng solidong 16 puntos, 12 rebounds, 5 assists, 2 steals at 1 block.

Si Llagas ay tumapos taglay ang 8 puntos, 10 rebounds, 2 steals, 2 blocks at isang assist.

Ang lakas sa rebounding nina Mangahas at Llagas ay nakatulong para madomina ng Elite ang Road Warriors sa nasabing departamento, 53-43.

May 12 puntos si Garvo Lanete habang tig-10 ang naihatid nina Ronald Pascual at Nico Salva.

Pero malamig ang opensa ng higanteng si Greg Slaughter na kahit tumapos taglay ang 9 puntos, isa lamang naman ang kanyang naipasok sa siyam na birada.

Sa kabuuan, ang tropa ni coach Boyet Fernandez na pumasok sa laban bitbit ang 11-game winning streak, ay may mahinang 34.3% shooting (24-of-70), kasama ang 7-of-23 sa tres.

Malakas ang panimula ng NLEX at sa halftime ay angat sila sa 39-28.

Pero bumangon ang Elite at kinuha ang ikatlong yugto, 27-14, para sa 56-52 bentahe, ngunit nanakot pa ang Road Warriors na maipapanalo ang laban sa magkasunod na tres ni Pascual tungo sa 67-66 bentahe.

Huling banat na pala ito ng NLEX dahil hindi na sila nakapuntos sa hu-ling 2:09 ng labanan.

Show comments