Pinaghahandaan na ni Rios si Pacquiao

MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay nagsimula na si Brandon ‘Bam Bam’ Rios ng kanyang paghahanda para sa kanilang laban ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa Nobyembre.

Si Rios ang sparring partner ni welterweight champion Marcos Maidana ng Argentina na sasagupa kay Josesito Lopez ng Mexico sa Hunyo 8 sa Home Depot Center sa Carson, California.

Sinabi ni Maidana na matapos ang kanyang laban kay Lopez ay tutulungan naman niya si Rios para sa preparasyon kay Pacquiao.

“We have already done three sparring sessions and everything is good,” sabi ni Maidana sa kanilang sparring ni Rios. “We work well together. He helps me and so if I need to help him for his fight with Pacquiao that won’t be a problem.”

Sina Rios at Maidana ay kapwa nasa ilalim ni Mexican chief trainer Robert Garcia, ang cornerman din ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.

Samantala, inamin ni Pacquiao na wala pa siyang planong magpakondisyon para sa kanilang non-title, welterweight fight ni Rios.

“Hindi pa ako nagsisimula,” sambit ni Pacquiao nang pangunahan ang ceremonial move sa 2013 Pacquiao Asian Continental Chess Championship noong Martes ng gabi sa Midas Hotel sa Pasay City.

Hindi na sumagot ang 34-anyos na si Pacquiao nang tanungin tungkol sa laban niya sa 27-anyos na si Rios.

Nakamit ni Pacquiao ang kanyang ikalawang sunod na termino bilang Congressman ng Sarangani sa nakaraang eleksyon kung saan nahirang ang kanyang asawang si Jinkee na bagong Vice-Governor ng nasabing probinsya.

Maghaharap sina Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Rios (31-1-1, 23 KOs) sa isang non-title, welterweight fight sa The Venetian Macao Resort Hotel sa Macau, China sa Nobyembre 24 (Nobyembre 23 sa US).

Nagmula si Pacquiao sa dalawang sunod na kabiguan noong nakaraang taon kontra kina Timothy Bradley, Jr. (split decision) noong Hunyo 9 at Juan Manuel Marquez (sixth-round KO) noong Disyembre 8.

Show comments