MANILA, Philippines - Tinapos ni Lee Van Corteza ang pagkauhaw na makahawak ng international title nang pagwagian ang 2013 China Open 9-Ball Championships na nagtapos kahapon sa Shanghai, China.
Kinumpleto ng tubong Davao City ang dominasyon laban sa mga Chinese Taipei cue-artists nang hiritan ng 11-6 pa-nalo si Fu Che-wei sa race-to-11 finals para sundan ang pamamayagpag na ginawa ng kababayan na si Dennis Orcollo noong nakaraang taon.
Halagang $40,000.00 ang premyong napanalunan ng 34-anyos na si Corteza na huling nakatikim ng international title noon pang 2010 sa US Open 10-Ball Championships.
Pumasok sa knockout round nang kalusin sina Nikolaos Malaj ng Albania, 9-6, at Do The Kien ng Vietnam, 9-6, sa Group F elims, si Fu ang ikatlong Taiwanese player na nakasagupa ni Corteza sa knockout round matapos sina Ko Pin-yi, 11-5, at Zheng Yu Xuan, 11-8, sa round of 16 at 8.
Umabante sa finals si Corteza, pumangatlo sa torneong ito noong 2009, sa pamamagitan ng 11-3 pagdurog kay Omar Al Shaheen ng Kuwait habang si Fu, na nakontento sa $20,000.00 pabuya, ay nanalo kay Wu Jiaqing ng China, 11-8.