Be Humble at El Libertador puwedeng umabot ang kita sa P3M

MANILA, Philippines -  May pagkakataon ang mga tatlong taong gulang na kabayo na Be Humble at El Libertador na maging kauna-unahang kabayo na makakapasok sa P3 milyon marka kung kita ang pag-uusapan sa horse racing 2013.

Ito ay mangyayari kung alinman sa dalawang kabayong ito ang siyang palaring manalo sa unang yugto ng 2013 Philracom Triple Crown Championships sa Sabado sa bakuran ng Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.

Tumataginting na P3 milyon ang premyong isinahog ng nagtataguyod na Philippine Racing Commission at ang  mananalo ay magbibitbit ng P1.8 milyon na unang gantimpala sa karerang paglalabanan sa 1,600-metro distansya.

Ang Be Humble at El Libertador ay nanatili sa ikalawa at ikatlong puwesto sa talaan ng palakihan ng kita ng mga kabayo hanggang buwan ng Abril.

May dalawang panalo at dalawang segundo puwestong pagtatapos, ang Be Humble ay kumabig na ng P1,680,000.00 habang ang El Libertador, na pag-aari ni Mandalu-yong City Mayor Benhur Abalos ay kumabig na ng P1,350,000.00 sa dalawang panalo at isang segundo puwestong pagtatapos.

Kaya kung papalarin ang alinman sa dalawang kabayong ito, ito ang kukuha ng mahigit P3 mil-yon kita sa talaan sa buwan ng Mayo.

Hindi pa naman natitinag sa unang puwesto ang kabayong Hagdang Bato na may dalawang panalo at tumabo na ng P1,920,000.00 para sa may-ari na si Abalos.

Ang Amsterdam ay nanatiling nasa ikaapat na puwesto habang ang Yes Yes Yes at Snake Queen ang iba pang mga kabayo na tumipak na ng mahigit isang milyong kita.

May P1,082,917.41 kinita na ang Amsterdam mula sa pitong panalo, tatlong segundo at dalawang kuwarto puwestong pagtatapos.

Ang pitong panalo ang pinakamarami sa hanay ng mga kabayong tumakbo na at kasalo ng Amsterdam ay ang Snake Queen at Esprit De Corps.

May P1,005,947.29 kita na ang Snake Queen na may tig-isang segundo at tersero puwestong pagtatapos para malagay sa ikaanim na puwesto kasunod ng Yes Yes Yes na may P1,062,775.53 kita sa anim na panalo, apat na segundo at isang kuwarto puwestong pagtatapos.

Ang iba pang kabayo na nasa unang sampung puwesto sa talaan ay ang Crucis na mayroong P998,003.28, Saga na mayroong P919,154.90, Esprit De Corps na may P918,515.92 at El Matador na mayroong P880,044.54 kinita.

 

Show comments