Magayonon nalo uli

MANILA, Philippines - Nanatili ang magandang ipinakikita ng kabayong Magayonon sa Metro Turf Club nang manalo uli noong Huwebes ng gabi sa Malvar, Batangas.

Nasilayan uli ang lakas sa pagremate ng kabayong ginabayan sa pagkakataong ito ni BL Valdez para dominahin ang isang handicap race two na pinaglabanan sa 1,200-metro.

Unang umalagwa ang Boss Pogi kasunod ang Esquisse Esquisse habang ang Magayonon ay nasa malayong ikalimang puwesto sa alisan.

Sa huling kurbada ay humabol na ang Maga-yonon para gawing apat na kabayo ang parating.

Buo pa ang tikas ng Magayonon para iwanan ng isa’t-kalahating agwat ang nalagay sa ikalawang Boss Pogi na hawak ni JB Cordero.

Dikitan ang mga benta kaya’t ang win ng Magayonon ay naghatid ng P21.00 dibidendo habang ang 4-3 forecast ay nagpamahagi ng P66.00.

Sinorpresa naman ng Sweet Lohrke ang bayang-karerista nang mag-banderang-tapos ito sa class division 1 race 9 upang maging pinakadehadong kabayo na nanalo sa pista na pag-aari ng Metro Manila Turf Club.

Si JA Guce ang hinete ng kabayo na hindi pinaporma ang mga naghamong On Your Knees, Sa Wakas at Smiling Julia na naghabol sa kabuuan ng karera.

Ang panalong ito ang pinakamagandang naitala ng kabayo matapos pumangalawa sa datingan noong Marso 26 sa nasabing race track.

Nagpista ang mga kumampi sa Sweet Lohrke dahil halagang P139.00 ang ipinasok ng win habang nasa P258.00 ang dibidendong inabot sa 3-2 forecast.

Lilipat naman ang karera ngayong hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at magtataya ito ng 11 karera.

Unang karera ay para sa mga 3-Year Old and Above na inilagay sa 1,300-meters at sasalihan ng walong kabayo.

Mangunguna sa tatakbo ay ang Ubolt na sasakyan ni Mark Alvarez at balak higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong Abril 23 sa nasabing race track.

 

Show comments