Random drug test hiniling ng kampo ni Pacquiao vs Rios

MANILA, Philippines - Muli na namang magkukrus ang landas nina Manny Pacquiao at ang kontrobersyal na strength and conditioning coach na si Angel Heredia.

Si Heredia ang gumagabay ngayon sa kondisyon at kalusugan ni Brandon “Bam Bam” Rios kaugnay sa kanilang non-title, welterweight fight ni Pacquiao sa Nobyembre 24 (Nobyembre 23 sa US) sa The Venetian Hotel sa Macau, China.

Matatandaan na si Heredia ang kinuha ni Juan Manuel Marquez bilang strength and conditioning coach kasunod ang pagpapatulog kay Pacquiao sa huling segundo ng sixth round sa kanilang pang apat na paghaharap noong Disyembre 8, 2012.

Pinaratangan ni chief trainer Freddie Roach ang 39-anyos na si Marquez na gumamit ng steroids, isa sa mga performance-enhancing drugs (PEDs), kaya ito lumakas at naging maskulado.

Sinabi naman ni Marquez na hindi siya gumagamit ng PEDs at ang kanyang paglobo ay resulta ng matiyaga at mahaba niyang pagsasanay sa ilalim nina Heredia at Mexican trainer Ignacio ‘Nacho’ Beristain.

At dahil sa muling paglitaw ni Heredia, hiniling ng kampo ni Pacquiao ang isang random drug testing protocol bago ang kanilang paghaharap ni Rios.

“We just want to give the fans a clean fight and avoid any type of speculation or accusations once the fight is done,” paliwanag ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, sa panayam ng BoxingScene.com kahapon.

 

Show comments