Bulls durog sa miami

MIAMI -- Gumawa si Ray Allen ng 21 points sa loob ng 19 minuto, habang humakot si LeBron James ng 19 points at 9 assists para pangunahan ang Miami Heat sa 115-78 paggupo sa Chicago Bulls sa Game 2 upang itabla sa 1-1 ang kanilang Eastern Conference semifinals series.

Siyam na technical fouls, dalawang ejections at ilang tulakan ang nagpainit sa naturang pagbangon ng Heat mula sa kanilang kabiguan sa Game 1 laban sa Bulls.

Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes sa Chicago.

Nawala sa Miami ang kanilang home-court advantage laban sa Chicago nang mabigo sa Game 1.

Matapos namang magpasikat sa panalo sa Game 1, naglista si Bulls guard Nate Robinson ng 3-of-10 fieldgoals shooting lamang, habang may 8 markers si forward Carlos Boozer.

Napatalsik naman sina Joakim Noah at Taj Gibson sa laro sa fourth quarter ng laro.

Natawagan ng anim na technical fouls ang anim na players ng Bulls na pinakamarami para sa isang koponan sa playoff game na huling nangyari sa Boston kontra sa Indiana noong 2005.

Sa San Antonio, na-kabawi rin ang Golden State Warriors mula sa kabiguan sa Game 1 nang iposte ang 100-91 panalo laban sa Spurs sa Game 2 para itabla sa 1-1 ang serye.

Winakasan ng Warriors ang isang 30-game losing skid sa Alamo City.

Humakot si Klay Thompson ng career-high na 34 points at 14 rebounds, habang may 22 points si Stephen Curry para sa Golden State.

Hindi pa nananalo ang Warriors sa San Antonio sapul noong Pebrero 14, 1997.

Umiskor si Tim Duncan ng 23 points at may 20 si Tony Parker para sa Spurs, nanalo ng limang sunod na laro sa postseason.

Nagdagdag si Manu Ginobili ng 12 points at may 11 si Kawhi Leonard bukod sa kanyang 12 rebounds.

Show comments