MANILA, Philippines - Tulad ng dapat asahan, gumulong ang San Miguel Beer sa kanilang ika-14 na sunod na panalo sa pamamagitan ng 78-61 tagumpay sa Sports Rev Thailand Slammers sa ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 16 puntos at 20 rebounds si Brian Williams para sa Beermen na kumuha rin ng solidong kontribusyon kina Asi Taulava, RJ Rizada, Val Acuna Jeric Fortuna at Paolo Hubalde upang maisulong ang nangu-ngunang baraha sa 17-3 karta.
Sa second period nagsimulang ipamalas ng Beermen ang kalidad ng paglalaro upang makabangon sa 19-28 pagkakalubog.
Isang 12-0 bomba na pinamunuan nina Williams, Taulava at Rizada na nagbigay daan para hawakan ng home team ang 31-28 bentahe sa halftime.
Ibinagsak ni Fortuna ang lahat ng kanyang siyam na puntos sa sumunod na yugto para itulak ang Beermen sa 54-45 bago nagtuwang sina Acuna at Taulava para ibigay ang pinakamala-king kalamangan sa Beermen na 19 puntos, 74-55.
May 12 puntos si Taulava, si Rizada ay may 11, habang si Acuna ay may walo.
Nasayang naman ang itinalang 28 puntos, 11 rebounds at 7 blocks ni Christien Charles para sa Slammers dahil nalaglag sila sa ika-13 pagkatalo sa 20 laro at nakasalo uli ang Singapore Slingers para sa mahalagang ikaapat na puwesto sa team standings.
San Miguel Beer – 78 B Williams 16, Taulava 12, Rizada 11, Fortuna 9, Acuna 8, Hubalde 7, Cawaling 6, Avenido 4, Luanzon 2, J Williams 2, Thiele 1, Menk 0.
Thailand Slammers 61 – Charles 28, Samerjai 6, Baguion 6, Apiromvilaichai 5, Ghogar 4, Dasom 3, Klahan 2, Brannon 2, Kongkum 2, Gonzaga 2, Lertlaokul 1, Sekteera 0.
Quarterscores: 15-19, 31-28, 54-45, 78-61.