Pagdomina sa Heat itutuloy ng SMBeermen sa ABL ngayon

MANILA, Philippines - Mapanatili ang agwat sa nagdedepensang Indo­ne­sia Warriors ang gagawin ng San Miguel Beer sa pagtayo bilang punong-abala sa nangungulelat na Saigon Heat sa ASEAN Basketball League (ABL) ngayon sa Ynares Sports Are­na sa Pasig City.

Ito ang ikaapat na  pag­kakataon na magtutu­os ang magkabilang pa­nig at patok ang home team na makuha ang 3-1 ba­raha laban sa Heat sa tagisang itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon.

Matapos matalo sa unang pagkikita, 89-92, noong Ene­ro 26, ang tropa ni coach Leo Austria ay namayani sa sunod na dalawang tagisan tampok ang kanilang 101-49 pagdurog noong Abril 17.

Hindi naman dapat mag­kumpiyansa ang mga Beer­men na kung mana­nalo ay susungkitin ang ika-12 diretsong pagpapanalo para manatiling nasa unahan sa 15-3 baraha.

Sina Asi Taulava, Leo Avenido at mga imports na sina Brian at Justin Williams ang mga aasa­han nang husto pero mala­ki ang maitutulong  kung ki­­­kinang pa rin ang mga back-up guard na si Paolo Hu­­balde.

Si Hubalde ay guma­wa ng 14 puntos, 11 sa huling yugto, sa 78-70 panalo sa Sports Rev Thailand Slammers para hindi maramdaman ng koponan ang pagkawala ni Chris Banchero dala ng injury.

Si David Palmer na hin­di naglaro sa huling bak­bakan, ay sasalang ngayon kasama ang ba­gong import na si Justin Ho­ward at hanap nilang pag-initin muli ang ma­lamig na kampanya ng Heat.

Bagama’t may 11-game losing skid patu­ngo sa pinakamasamang 3-13 ba­­raha, ang Heat ay pu­­we­­de pang humabol sa play­­offs.

 

Show comments