Ginebra tinalo ang Rain or Shine patungo sa semifinal round

MANILA, Philippines - Nagsalpak ng dala­wang freethrows si import Vernon Macklin sa hu­ling 11.1 segundo para ibigay sa Ba­rangay Ginebra ang 81-79 tagumpay laban sa Rain or Shine sa Game Two ng kanilang quar­terfinals series sa 2013 PBA Commissio­ner’s Cup ka­gabi sa Smart Araneta Co­liseum.

Hindi pinansin ng No. 7 Gin Kings ang bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ng No. 2 Elasto Painters para kunin ang ikatlong se­mifinals seat.

Makakatapat ng Ginebra ang Talk ‘N Text sa isang best-of-five semifinals showdown.

Nauna nang kinuha ng Gin Kings ang 90-83 panalo sa Game One.

“They underestimated us. They underestimated our players, nakalimutan ni­lang i-anticipate ‘yung pu­so ng mga bata,” sabi ni Ginebra coach Alfrancis Chua sa Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao.

Nagkaroon pa ng tatlong tsansa ang Elasto Pain­ters na manalo o ma­ka­puwersa ng overtime. 

Nagmintis ang tangkang tres ni Paul Lee kasunod ang mga tumalbog na tirada nina Jeff Chan at Gabe Norwood kasabay ng pagtunog ng final buz­zer.

Tumapos si Macklin na may 24 points kasunod ang tig-13 nina Kerby Raymundo at rookie Chris Ellis at 10 ni Mac Baracael.

Tumipa naman si rookie Chris Tiu ng 15 markers sa panig ng Rain or Shine, habang nagdag­dag ng 14 si Lee, 12 si import Bruno Sundov at 10 si Jervy Cruz.

Ang mananalo naman sa pagitan ng nagdedepensang San Mig Coffee at Meralco ang siyang ha­harap sa naghihintay na Alas­ka sa isa pang semis se­ries.

Show comments