MANILA, Philippines - Nagpasikat ang mga dehadong kabayo na Golden Class at Building Code nang manalo sa nilahukang karera sa idinaos na pista noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Karvin Malapira ang dumiskarte sa Golden Class na tumakbo sa class division 2 at inilagay sa 1,400m distansya
Galing sa likod ang tambalan at hiniya ang tila mananalo nang Markee’s World na nagpasiya sa mga dehadista.
Kontrolado na ng nangungunang kabayo na sakay ni Pat Dilema matapos umagwat ng halos apat na dipa sa mga naghahabol pero hindi nito namalayan ang malakas na pagremate ng Golden Class tungo sa panalo.
Ang pinakadehadong kabayo na nanalo sa gabi sa pistang pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. ay ang Building Code na hinawakan ni jockey CM Pilapil.
Hindi umubra ang lakas ng third choice na Witness In Manila nang hindi kayanin ang malakas na pagdating ng Building Code para bigyan ng magandang dibidendo ang mga nanalig sa husay ng kabayo ni Pilapil.
Umabot sa P262.00 ang ibinigay sa win habang ang forecast na 7-8 ay may mas magandang P2,229.00 dibidendo.
Ang mga napaborang Biodata at Tabelle ay tumapos lamang sa ikatlo at apat na puwesto at naunahan pa para sa ikatlong puwesto ng Good Humour.
Ang araw na ito ay muling kinakitaan ng pagkapanalo ng isang mananaya ng milyong pisong dibidendo nang masolo ang ikalawang Winner-Take-All.
Lumabas ang kumbinasyon na 10-11-7-7-(3/9)-4 para makuha ang P1,175,573.80 dibidendo.
Ang patok na kabayo na nagpasikat ay ang Barkley na dinomina ang class division 8-9 na pinaglabanan sa 1300m distansya.
Si JB Guce ang sakay na hinete at nanaig sila sa hamon ng Boom Boom Boom ni Gilbert Mejico. Ang win ay may P5.50 dibidendo habang P311.50 ang nadehado pang 7-4 forecast.
Lumabas naman bilang pinakamahusay na hinete sa araw na iyon sina Guce at LT Cuadra Jr. matapos magkaroon ng tig-dalawang panalo.
Si Cuadra ang hineteng nagbukas ng panalo sa inilatag na programa nang maipanalo ang Humble Submission sa race one bago isinunod ang Newgoldencity sa race 13.
Dehado pa ang Humble Submission na tinalo ang mas pinaborang Don Albertini para makapagpasok ng P28.50 sa win at P507.00 sa 4-7 forecast habang ang Newgoldencity ay nangibabaw sa Baby Dugo tungo sa P101.00 sa 6-9 forecast at P19.50 sa win. Si Guce ay naunang kuminang sa Silver Star sa race two matapos hindi papormahin ang Hot Momma para makapaghatid ng P26.00 sa win at P92.00 sa 1-5 forecast.
Ang pinakamakinang na kabayo ay ang Balbonic at Alta’s Finest na dinomina ang Dr. A.P. Reyes Stakes races para sa 3-year old colts at fillies.