MANILA, Philippines - Iakyat sa walo ang winning streak ang balak ng San Miguel Beer sa pagharap uli sa Singapore Slingers sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May apat na sunod na panalo na ang Beermen sa Slingers sa mga naunang pagtutuos at hindi malayong lumawig din ito dahil sa bangis na nakikita sa tropa ni coach Leo Austria.
Habang lumalapit ang pagtatapos ng eliminasyon ay patuloy din ang pagtikas ng kanilang depensa na pinamumunuan ng mga imports na sina Justin Williams at Brian Williams bukod pa sa mga locals na sina Asi Taulava at ang nagbabalik mula sa injury na si Erik Menk.
Dahil dito, lumulutang ang transition game ng Beermen na pinamumunuan ni Chris Banchero na naghahatid ng 17.5 puntos at apat na assists kada laro.
“Satisfied ako sa itinatakbo ng team lalo na sa depensa. Dahil sa depensa kaya maganda ang takbo ng aming opensa,†wika ni Austria.
Kung mananalo sa larong itinakda sa ganap na ika-4 ng hapon, ang Beermen ay didikit ng isang laro sa Warriors (12-3) sa ika-11 panalo matapos ang 13 laro.
Tiyak naman na gagawin din ng Slingers na manalo para manatiling palaban sa pag-iwas na lumasap ng maagang bakasyon.
Apat na koponan ang aabante matapos ang eliminasyon at ang Slingers na may 5-10 baraha, ay nasa ikalimang puwesto at kapos ng isang panalo sa nasa ikapaat na puwestong Thailand Slammers.
Si Rashad Jones-Jennings na gumawa ng 11th double-double noong nakaraang linggo sa 19 puntos at 15 boards, ang mananalasa uli pero kailangan niya ng solidong suporta sa ibang kasamahan tulad nina Philip Morrison, Wong Wei Long at Filipino import Jun Jun Cabatu para maputol ang losing streak sa Beermen.