MANILA, Philippines - Habol ng Rain or Shine ang natitirang twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa rematch na laban nito kontra sa Barako Bull sa pagpasok ng huling apat na playdates ng eliminations ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
May second-best record na 8-4 panalo-talo sa likod lamang ng 10-3 ng sigurado nang No. 1 na Alaska, makakaharap ng Elasto Painters ang Energy Cola sa alas-7:30 ng gabi kung saan nais naman ng huli na tumabla sa 5-8 record ng Air21 sa kanilang inaasahang labanan para sa pangwalo at huling lugar sa quarterfinals.
Sa alas-5:15 p.m. ng hapon naman na no-bearing game, ang huling laro sa elims ng Aces at ng eliminated nang Globalport (2-10) na nagnanais lamang na tapusin ang pinakamahabang losing streak sa conference sa kanilang huling laro bago tuluyan nang mamaalam sa torneo.
Nais ulitin ng Rain or Shine ang 103-93 panalo kontra sa Barako Bull sa kanilang unang paghaharap noong Mar. 20, bagay na nais ding gawin ng Alaska na tatlong araw bago iyon ay tinalo naman ang Globalport, 93-85.
Bukod sa mapalapit sa twice-to-beat advantage, hangad din ng Elasto Painters na masiguro ang kanilang pagtatapos sa Top 3 sa pangatlong sunod na conference, na kung sakali ay kauna-unahang mangyayari sa kasaysayan ng kanilang prangkisa o mula nang pumasok sa PBA noong 2006 bilang Welcoat.
Nais din makabawi ng Rain or Shine sa masakit nitong pagkatalo sa overtime 89-84 kontra sa Alaska noong Biyernes kung saan lumamang pa sila ng 22 puntos sa third quarter.
Bukod naman sa pagi-ging halos do-or-die game na, plano din ng Barako Bull na makabawi sa 88-77 pagkatalo kontra sa Petron Blaze noong Linggo na siyang pampitong talo na sa katunayan ng Energy Cola sa kanilang huling 8- laro.
Ang unang koponang magtatapos ng kampanya nito sa elims na Alaska ay magkakaroon ng top-seeding sa playoffs manalo o matalo man laban sa Globalport. Ito’y dahil tinalo ng Aces ang Rain or Shine ng dalawang beses sa elims kung mangyayari ang posibilidad na magtatabla sila sa 10-4.
Ito ang kauna-unahang pagtatapos ng Aces bilang No. 1 pagkatapos ng elims sa isang conference na may imports sa loob ng nakaraang 14 na taon. Huling nangyari ito noong 1999 Commissioner’s Cup sa ilalim pa ni Tim Cone.