MANILA, Philippines - Kinuha ng kabayong Crucis ang unang stakes win sa taon nang manalo sa Dr. A.P. Rayes Stakes Race noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Jeff Zarate ang sumakay sa nasabing kabayo na hinarap ang mabigat na hamon na hatid ng Azkal at Next Big Thing at mapalawig din ang pagpapanalo sa tatlong sunod mula sa buwan ng Marso.
Ang panalo ay tumabon din sa panghihiya na inabot ng kabayo sa Azkal noong naglaban ang dalawa sa Leo Prieto I Stakes Race noong Pebrero 9 sa nasabing karerahan.
Ang Azkal ang nanalo sa nasabing stakes race habang pumangatlo lamang ang Crucis sa karerang inilagay sa 1,700-metro.
Sa pagkakataong ito, ang karera ay ginawa sa mas mahabang 1,800-metro at sapat ang lakas na natira sa kabayo upang mapanatili ang isang dipang layo sa nakalaban na hinawakan ni Rodeo Fernandez.
Unang lumayo ang Big Daddy’s Dream, bago hinabol ng Azkal at Next Big Thing na hawak ni Fernando Raquel Jr.
Nasa malayong pang-apat ang Crucis nang simulang pag-initin ito ni Zarate at pagpasok sa kalagitnaan ng karera ay nakasabay ang Azkal na inagaw ang liderato.
Ginawang 3-horse race ng Next Big Thing ang karera papasok sa rekta pero ubos na ang nasabing kabayo para dumating bilang ikatlong puwesto.
Binitbit ng winning connections ng Crucis ang P300,000.00 gantimpala mula sa P500,000.00 prem-yo na inilaan ng nagtaguyod na Philippine Racing Commission (Philracom).
Halagang P112,000.00 ang naiuwi ng Azkal bago naibulsa ng Next Big Thing ang P112,500.00. Ang Big Daddy’s Dream ang pumang-apat para kunin ang P62,500.00 premyo.