Accel-PBA Press Corps player of the week: Mick Pennisi (Barako Bull) 19 pts, 7 rbs, 2 assts.

MANILA, Philippines - Si Mick Pennisi ng Barako Bull ang nahirang na Accel Player of the Week ng PBA Press Corps para sa nakaraang linggo mula Marso 25 hanggang 31.

Binigyan ng parangal ang 38-anyos at 13-season PBA veteran na si Pennisi matapos ang kanyang 19 puntos, 7 rebounds at 2 assists sa kanyang 22 minutong inilaro sa 105-100 panalo ng Energy Cola laban sa defending champion San Mig Coffee Mixers no­ong Linggo sa SM MOA Arena na tumapos sa ka­ni­lang six-game losing slump at nagbigay-buhay sa naghihingalo nilang pag-asa na makapasok sa playoffs ng 2013 PBA Commissioner’s Cup.

Kabilang sa tinalo ni Pennisi para sa nasabing Pla­yer of the Week award ay si Mark Cardona ng Meralco na nagtala 30 puntos, 4 rebounds, 2 assists at 1 steal sa 103-92 tagumpay ng Bolts kontra sa Globalport Batang Pier noong Miyerkules.

Masaya si Barako Bull active consultant Rajko To­roman sa ipinakita ni Pennisi na tumipa ng 5-of-6 shooting mula sa three-point range kontra sa Mixers.

“Mick is a European-type of a player, tall who can shoot the ball from the outside,” pahayag ni Toroman, sabay dagdag na mabuti naman at nakakabawi na si Pen­nisi sa hindi niya magandang simula sa confe­rence.

“At the start of the conference he was not playing very well. But lately his game has picked up and that is good for he is a big part of our team, our system,” paliwanag pa ni Toroman.

Naging krusyal ang dalawang three-pointers ni Pen­nisi na kabilang sa kanyang 13 points sa fourth quarter na naging mitsa sa pagbibigay sa Barako Bull ng 87-78 bentahe mula sa 60-70 pagkabaon.

Dahil sa panalo ay umakyat sa 4-7 ang panalo-talo karta ng Energy Cola, isang laro lamang sa likod ng Air21 (5-6) sa kanilang namumuong karera para sa pang-walo at huling lugar sa quarterfinals.

Show comments