MANILA, Philippines - Humataw ang mga kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos kung pag-ani ng premyo sa horse racing ang pag-uusapan.
Matapos ang buwan ng Pebrero, tatlong kabayo ni Abalos ang nasa unang sampung puwesto ng talaan at nakapaghatid na ng P2.7 milyon sa kaban-yaman ng batikang horse owner.
Ang Hagdang Bato ang una sa talaan at ang 2012 Triple Crown Champion ang natatanging kabayo na kumabig na ng mahigit isang milyon sa naitalang P1.2 milyong premyo.
Nakuha ito ng kabayo noong dominahin ang PCSO Freedom Cup noong Pebrero 17.
Nasa ikalawa ang stablemate ng Hagdang Bato na El Libertador na kinuha ang ikalawang sunod na panalo sa Leo Prieto III Stakes Race sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Bago ito ay nagkampeon ang kabayo sa PCSO Special Maiden Race noong Enero, ang El Libertador ay mayroon ngayong P900,000.00 napanalunan.
Ang Cat’s Silver na kampeon din ng Prieto Cup II ay nasa ikapitong puwesto bitbit ang P600,000.00 matapos ang dalawang magkasunod na tagumpay.
Ang Jazz Connection, Raon at Saga ang mga kaba-yong nasa ikatlo hanggang limang puwesto sa listahan.
May apat na panalo at isang tersero puwestong pagtatapos, ang Jazz Connection ay kumabig na ng P616,975.04 premyo habang ang Raon na may pinakamagandang karta sa mga kabayong tumakbo na sa apat na panalo at tig-isang segundo at tersero puwesto, ay may P615,546.02 premyo.
Ang Saga na may apat na panalo, isang segundo at isang kuwarto puwesto ay may P601,420.83 kinita na.
Nasa ikaanim na puwesto ang Amsterdam (P600,440.41), habang ang Azimuth (P600,000.00), Salvatore (P570,952.79) at Blue Material (P566,735.67) ang mga pumasok sa unang sampung puwesto.
Ang ibang kabayo na tiningala sa mga nagdaang taon tulad ng Magna Carta ay hindi agad nakitaan ng ganda ng takbo.
Hinirang bilang Horse of the Year dalawang taon na ang nakalipas, ang Magna Carta ay nagtala lamang ng segundo puwestong pagtatapos sa Freedom Cup para makontento sa P400,000.00 at malagay sa ika-37th puwesto sa talaan.