MANILA, Philippines - Matibay ang hangarin ng Pilipinas na makasama sa walong koponan na maglalaro sa AFC Challenge Cup sa Maldives sa 2014.
Ito ay dahil may tatlong tsansa ang Azkals na maaaring suungin para makalaro sa Challenge Cup sa ikalawang sunod na taon.
Pero ang unang dapat nilang gawin ay ang talunin ang Cambodia na kanilang nakaharap kagabi sa pagpapatuloy ng Group E Qualifiers sa Rizal Memorial Football Stadium.
Sakaling mangyari ito ay naiusad na nila ang isang paa patungong Maldives dahil katabla na nila ang Turkmenistan sa dalawang panalo at anim na puntos.
Awtomatikong aabante ang Pilipinas kung tatalunin ang Turkmen sa tagisan sa Martes sa pagtatapos ng kompetisyon.
Pero sapat na rin para umusad ang makakatabla ng Turks sa laro.
Magtataglay ng pitong puntos ang dalawang koponan at mapapatalsik ng Pilipinas ang India na siyang namumuro para maging ikalawang koponan na may pinakamataas na puntos sa mga pumangalawa sa limang Qualifiers.
Sa ngayon ay anim na bansa na ang tiyak ng maglalaro sa Challenge Cup. Bukod sa host Maldivez, ang Myanmar, Kyrgyzstan, Afghanistan at Palestine ay pasok na matapos manalo sa Group A, B, C, at D Qualifiers.
Ang Bangladesh na pumangalawa sa Group D bitbit ang anim na puntos, ay pasok na dahil taglay nila ang pinakamataas na goal difference sa India at Tajikistan, sa limang GD.
Ang India na puma-ngalawa sa Group A bitbit ang 6 puntos at may 4 GD, para mamuro sa hu-ling puwesto sa Maldives.
Kung mamalasin ang Azkals at matalo sa Turkmenistan, magtatabla ang Pilipinas at India sa anim na puntos.
Sa ganitong sitwasyon, ang iskor ng laro ng Azkals sa Cambodia at Turks ang pagbabasehan para malaman kung sino sa host country at India ang magtataglay ng mas mataas na goal difference.