MANILA, Philippines - Sapat ang maagang paglayo ng San Miguel Beermen para kunin ang 68-61 panalo sa Singapore Slingers at makasalo sa liderato sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Singapore Indoor Stadium.
Si Chris Banchero ang muling namuno sa Beermen sa kanyang 19 puntos at 6 na assists pero nakatulong ang pag-iinit din ni RJ Rizada sa unang yugto para layuan agad ang katunggali tungo sa ikaanim na sunod na panalo at pangkalahatang 9-3 baraha. Kasalo ng Beermen ang pahingang Indonesia Warriors sa tuktok ng standing.
May pito sa naitalang siyam na puntos si Rizada sa unang yugto para tulungan ang Beermen na hawakan ang 24-12 kalamangan.
Tumapos ang kaliweteng gunner bitbit ang 4-of-5 shooting, kasama ang isang tres habang si Leo Avenido ay naghatid ng 10, lakip ang dalawang tres.
Ang pinakamalaking bentahe na hinawakan ng tropa ni coach Leo Austria ay 22 puntos, 61-39, sa buslo ni Justin Williams bago tinapos ng Slingers ang laro sa 22-7 palitan.
Tumapos si Williams taglay lamang ang 6 puntos, 5 rebounds at 3 blocks pero tinabunan ito ng 11 puntos, 11 rebounds at 2 block ni Brian Williams.
Outrebounded ang Beermen ng Slingers, 31-35, pero dinomina nila ang inside points, 30-26, at hu-mawak ng 12-0 kalamangan sa points off turnovers at 10-3 sa fastbreak points.
May 17 puntos, 11 rebounds at 4 blocks si Do-nald Singleton para pamunuan ang apat na manlalaro na gumawa ng doble-pigura ng host team. Pero hindi sapat ang kanilang naipakita para pigilan ang pagla-gapak ng Slingers sa ikalimang dikit na pagkatalo tungo sa 4-9 baraha.