MANILA, Philippines - Binalikat ni Alberto Lim ang laban ng mga boys’ netters ng bansa nang kalusin si French qualifier Ronan Joncour, 6-2, 3-6, 6-2, sa pagsisimula ng 24th Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Matapos ang malakas na panimula ay bumagsak ang laro ni Lim dahil sa pagiging kampante.
“Sumama ang laro ko dahil nag-relax ako. Pero sa third set, nag-adjust uli ako at nakuha ko ang mga returns niya,†paliwanag ng 13-anyos na back-to-back NCAA juniors MVP at sariwa sa pangunguna sa dalawang yugto ng Ajay Pathak Memorial Cup.
Ito rin ang unang pagkakataon na nasali sa Grade I event si Lim at pilit niyang dugtungan ang unang panalo sa pagharap ngayon laban sa 14th seed na si Lee Duck Hee ng Korea na tulad ng ibang seeded players ay naka-bye sa first round.
Ang pambato ng Pilipinas na si ninth seed Jurence Zosimo Mendoza ay sasalang na rin ngayon sa laban kay Alexandre Muller ng France na nanaig naman kay Ku Keon Kang ng Korea, 6-2, 3-6, 6-3.